Isa sa mga suspek sa pagpatay kay 'Atio', nakabalik na mula Amerika

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 01:59 PM | Updated as of Oct 10 2017 02:54 PM

Bumalik na sa Pilipinas nitong Martes ng umaga ang isa sa mga suspek sa pagkamatay ng University of Santo Tomas law student na si Horacio "Atio" Castillo III.

Saktong 11:40 ng umaga nang dumating sa NAIA Terminal 1 ang suspek na si Ralph Trangia, kasama ang kaniyang inang si Rosemarie.

Lulan ang mga ito ng EVA Air flight BR-271 mula Chicago sa Amerika, at nag stopover sa Taiwan.

Pinaligiran ng security personnel si Trangia sa airport at umalis kasama ang convoy ng mga sasakyan.

Setyembre 19 nang lumabas ng bansa sina Ralph at Rosemarie patungong Amerika, bago pa man magpalabas ang Department of Justice ng lookout bulletin para sa mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity.

Miyembro si Ralph ng Aegis Jvris Fraternity na iniuugnay sa hazing na ikinasawi ni Castillo noong Setyembre 17.

Nahaharap si Ralph sa kasong murder, violation of the Anti-Hazing Law, at robbery.

Si Rosemarie naman ay may kasong "obstruction of justice."

Una nang sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na nakipag-ugnayan sa kanila ang pamilya Trangia para boluntaryong bumalik ang binata sa Pilipinas.

-- May ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.