Higit 20 sasakyan, hinatak sa clearing ops sa Maynila

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 09:39 AM

Umabot sa mahigit 20 sasakyan ang nahatak ng Metropolitan Manila Development Authority sa isinagawang clearing operations sa Sampaloc, Maynila, Martes ng umaga.

Sa kabila ng pag-alma ng mga may ari ng sasakyan, hinatak pa rin ng MMDA Task Force Special Operations ang nakaparadang mga sasakyan sa kahabaan ng M. Delos Reyes Street malapit lamang sa España.

Maging ang sasakyan ni Barangay 463 Chairman Alexander Pamilosa ay hindi nakalusot sa clearing operations. Ayon sa ulat, ipinagmalaki pa umano niya na kaibigan si MMDA Chairman Danny Lim, pero hindi siya nakalusot at hinatak pa rin ng MMDA ang kanyang pulang sasakyan.

Kasamang hinatak din ang mga sasakyan ni Barangay 462 chairman Wilson Ramil.

Parehas pang naka-tent sa kalsada ang mga sasakyan ng dalawang opisyal ng barangay.

Hinatak din ang isang ambulansiya na hindi na nagagamit.

Ang operasyon ng MMDA ay kasunod sa reklamong natanggap ng Presidential Hotline.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.