Guro, ibinubugaw ang 10 anyos na pamangkin sa mga dayuhan

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 09:35 PM

Kabilang ang 5 Qatari Riyals sa mga nakuha mula sa gamit ng suspek

Arestado ang isang grade school teacher matapos maaktuhan siyang ibinubugaw ang kaniyang pamangkin sa mga dayuhan.

Nakuhanan ng video ang suspek at ang kaniyang 10 anyos na pamangkin habang nagkakabayaran ng halagang P30,000 para sa isang linggong pagsama ng menor de edad sa isang dayuhang nagpanggap na customer.

Pero nang magkabayaran na, lumapit na sa suspek ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Anti-Trafficking in Persons Division.

Modus umano ni suspek na ibugaw ang pamangkin sa mga dayuhang na kinukuhanan naman ang bata ng malalaswang video.

Inilapit ng Australian Federal Police sa PNP Women and Children Protection Center (WCPC) ang kaso nang makahuli sila ng isang pedopilyang French.

Dating nagpunta sa bansa ang naarestong French at sinasabing ang suspek na guro ang kasama ng dayuhan habang nasa Pilipinas.

Narekober pa ng mga pulis sa backpack ng magtiyuhin ang mga lubricant at sex toy.

Umamin din ang bata na nakakaranas siya ng pang-aabuso mula sa sariling tiyuhin.

Ayon sa PNP-WCPC, ito ang unang kaso sa "dark web" na naresolba nila.

Ang "dark web" ang itinuturing na tagong bahagi ng world wide web kung saan ang mga impormasyon ay hindi na-a-access ng mga search engine.

Maingat umano kasi ang mga kriminal ngayon sa paggamit ng internet kaya mahalaga ang tulong ng mga awtoridad mula sa ibang bansa.

Itinatanggi naman ng suspek ang bintang at sinabing isinama lang niya sa mall ang pamangkin.

Sasampahan siya ng kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at ng RA 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development ang menor de edad na biktima.

-- Ulat nina Maan Macapagal at Oman Bañez, ABS-CBN News

Editor's note: Hindi pinangalanan ang suspek dahil kaanak siya ng menor de edad na biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.