Graduating student, patay matapos tamaan ng kidlat

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 03:27 PM

LA UNION- Patay ang isang 20-anyos na graduating student mula Barangay Alzate, Bangar, La Union matapos matamaan ng kidlat habang naghuhugas ng kamay noong Huwebes.

Nakilala ang nasawi na si Edrian Hidalgo. Si Hidalgo ay nagaaral ng kursong Political Science sa Ilocos Sur Polytechnic College. 

"Kasalukuyan raw na naghuhugas ng kamay sa irrigated canal doon sa Barangay Agdeppa nung na-struck siya ng lightning," sabi ni Senior Inspector Winston Manzano. 

Dead on arrival si Hidalgo sa ospital at nakumpirmang kidlat ang sanhi ng kanyang pagkamatay. 

Sabi ng kanyang ama na si Arnold, mabait, masipag at maasahang anak si Edrian.

Hindi rin makakalimutan ng kanyang kapatid na si Eric ang sinabi ni Edrian na pag-aaralin siya sa kolehiyo kapag nakapagtapos na siya sa kursong Political Science.

Nakalagak sa bahay ng pamilya Hidalgo ang bangkay ni Edrian.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.