District supervisor ng DepEd pinagbabaril sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 08:38 PM

NORTH COTABATO – Patay ang isang district supervisor ng Department of Education matapos tambangan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo Lunes ng hapon sa bayan ng Midsayap dito.

Nakilala ang biktima na si Bernard Viloan, district supervisor ng South West District sa bayan ng Midsayap.

Minamaneho ni Viloan ang kaniyang jeep sa Barangay Baliki patungong Midsayap proper nang pagbabarilin ng riding-in-tandem alas-2 ng hapon.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng isang fatal shot si Viloan na nagresulta sa agaran niyang pagkamatay.

“Ang witness natin possible na na-identify 'yung mga perpetrators at doon na tayo mag-linya ng facial composite kung makipag-coordinate sa atin sa tulong na rin ng crime lab. Kinakausap natin ngayon pero medyo may trauma pa,” sabi ni Supt. Gilbert Tuzon.

Naging district supervisor si Viloan noong 2014 matapos pagbabarilin din ng mga di pa nakikilalang salarin ang pinalitan niya.

“'Yun naman, she was shot in Pikit. Isa sa mga anggulo na tinitingnan natin 'yun dahil [sa] posisyon na hinahawakan” sabi ni Tuzon.

Hustisya naman ang nais ng anak ni Viloan na si Francis.

“May galit, di maiwasan 'yun. Pero ang Diyos na lang ang bahala sa kanila. Sana hustisya lang talaga,” sabi ni Francis.

Apat na katao na ang naitalang nabaril at napatay sa Midsayap para sa buwan ng Oktubre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.