De Lima, bigong ipawalang-bisa ang pag-aresto sa kaniya

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 05:16 PM | Updated as of Oct 10 2017 09:22 PM

Bigo si Senador Leila de Lima na kumbinsihin ang Korte Suprema na ipawalang-bisa ang naunang warrant of arrest laban sa kaniya. 

Ayon sa sa Supreme Court, siyam na mahistrado ang nagbasura sa petisyon habang anim naman ang pumabor dito. 

Pinagtitibay ng desisyon ang hurisdiksiyon, o karapatang duminig ng kaso, ng Muntinlupa Regional Trial Court sa kaso.

Una nang kinuwestiyon ni De Lima ang mabilis umanong pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa kaniya. Ito ay sa kaso ng pagtanggap umano ng pera mula sa transaksiyon sa ilegal na droga. 

Sinabi rin ni De Lima na tanging Office of the Ombudsman lamang ang may kapangyarihan mag-imbestiga sa kaniyang kaso, bilang isa siyang kawani ng gobyerno.

Sakali mang napagbigyan ang kaniyang naturang petisyon, hindi pa rin ito makakalaya dahil may isa pa itong kasong nakabinbin.

Matatandaang inakusahan si De Lima ng pagtanggap ng drug money noong kalihim pa siya ng Department of Justice.

Ayon naman sa senador, ito ay paghihiganti lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa paglulunsad niya ng imbestigasyon sa Davao Death Squad at umano'y laganap na extrajudicial killings matapos nitong mahalal.

Kasalukuyang nakapiit si De Lima sa Camp Crame simula pa noong Pebrero 24.  -- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.