Carnapper, arestado matapos maaksidente habang tinatakas ang sasakyan

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 12:36 PM

Arestado ang isang lalaki sa Cabuyao City sa Laguna dahil sa umano'y pagnanakaw ng truck.

Pero hindi pa man nakakalayo, naaksidente ang suspek na kinilalang si John Leo Azopardo habang minamaneho ang ninakaw na sasakyan, dahilan para masakote ng awtoridad. 
 
Nasa kustodiya ngayon ng Cabuyao City Police si Azopardo.
 
Kuwento ng truck driver na si Philip Lentic, mag-dedeliver siya ng kahoy sa Caloocan noong Sabado ng madaling araw nang mamahinga lamang saglit sa Cabuyao City. 
 
Naalimpungatan naman siya mula sa pagkakatulog dahil sa komosyon ng mga tao.
 
Tinangay na pala ni Azopardo ang kaniyang truck. 

Pero habang itinatakas ang sasakyan, bumangga ito sa isang puno, ilang dipa lamang ang layo mula sa lugar kung saan ito nakaparada.
 
Nang lapitan ng tanod ang naaksidenteng truck para saklolohan, agad daw nagtaas ng kamay si Azopardo.
 
Depensa naman ng suspek, balak lang niyang i-test drive ang truck at hindi kasama sa plano niya na nakawin ito.
 
Pero hindi kinagat ng awtoridad ang kaniyang palusot. Katunayan, naniniwala ang pulisya na posibleng may kasabwat pa si Azopardo.
 
Haharapin ng suspek ang kasong carnapping habang patuloy naman ang imbestigasyon ng Cabuyao City Police para matukoy at mahuli ang mga posibleng kasamahan ni Azopardo.
 
--Ulat ni Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.