Binatilyong nagtutulak ng motorsiklo, 'aksidenteng' nabaril ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 01:23 AM

Ginagamot sa ospital ang 16 anyos na lalaking nabaril umano ng mga pulis

Sinibak sa puwesto ang tatlong pulis sa Angeles City, Pampanga matapos madawit sa umano'y aksidenteng pagkabaril sa isang menor de edad.

Nabaril ang 16 anyos na biktimang si alyas "Abdul" noong Oktubre 4.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagsita umano ni PO1 Azel Marie Lopez sa biktimang itinutulak ang kaniyang motorsiklong nawalan ng gasolina.

Nagpumiglas umano ang binatilyo at nagtangkang tumakbo.

Hindi na nahagip ng CCTV ang mga sumunod na pangyayari ngunit aksidente umanong pumutok ang baril ng pulis na nakatutok sa binatilyo.

Nakita pang isinakay si Abdul sa sasakyan ng pulis.

Kasalukuyang nagpapagamot sa ospital ang biktima.

Galit na galit naman ang pamilya ng binatilyo dahil hindi nila mawari kung bakit kailangang tutukan daw ng baril ang biktima.

Hindi rin daw nakipag-ugnayan sa pamilya ang mga pulis na dawit sa insidente.

Nahaharap sa kasong administratibo ang mga pulis na tinanggal sa puwesto habang iniimbestigahan ang kanilang kaso.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Angeles City Police Station 4.

-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.