Barangay kagawad na nagbabalak tumakbong kapitan, pinagbabaril sa Ilocos Sur

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 06:03 AM

ILOCOS SUR – Patay ang isang barangay kagawad matapos pagbabarilin sa Barangay Sta. Cruz, Sinait sa Ilocos Sur Sabado ng gabi.

Tama ng baril sa ulo, batok, at leeg ang tinamong sugat ni Jimmy Reyes.

Ayon sa imbestigasyon ng kapulisan, nakipag-inuman si Reyes kasama ang siyam na kabarangay at ang dalawang suspek na hindi muna pinangalanan ng pulis.

Ang biktima umano ang nag-aya ng inuman sa dalawang suspek. Habang sila ay nag-iinuman, bigla na lang siyang nilapitan at pinagbabaril ng mga suspek alas-9 ng gabi.

“Tinawagan niya daw sa cellphone ang dalawa. Pumunta naman daw sila pero hindi sila ‘yung nagkukuwentuhan. Wala naman daw naging awayan,” ayon kay Chief Inspector Reynaldo Mendoza, hepe ng Sinait Municipal Police Station.

“Basta nilapitan na lamang siya at doon na pinagbabaril. Pagkatapos noon, umalis na sila. Na-identify naman ng mga testigo ang mga suspek,” dagdag ni Mendoza.

At-large pa rin hanggang ngayon ang mga suspek.

Wala pang motibo sa krimen pero hindi isasantabi ng pulisya ang anggulo na pagbabalak ng biktima na tumakbo sanang barangay chairman sa SK and barangay elections na kailang lang ay sinuspinde ni pangulong Rodrigo Duterte sa May 2018.

“Nababanggit daw ng biktima na plano niyang tumakbong kapitan. Magpipila sana siya ng kandidatura pero hindi naman tuloy ang eleksyon”, ayon kay Mendoza.

Kinumpirma naman ng misis ng biktima na si Yvette Reyes na plano ng mister niya na tumakbong barangay chairman.

“Sabi niya, subukan daw niyang tumakbong chairman at sana payagan siya ng mga kabarangay niya na siya ang mamuno sa kanila. Alam nila dito sa barangay namin na tatakbo sana siya sa eleksyon” sabi ni Yvette.

Nasa ikalawang termino bilang kagawad si Reyes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.