'Aberya sa MRT, di maiiwasan hangga't walang bagong riles'

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 09:48 PM

Aberya sa riles ang itinuturong dahilan ng tatlong naitalang insidente ng pagtigil ng tren ng MRT nitong umaga ng Martes, Oktubre 10. At hindi umano maiiwasan ang aberya hanggang walang bagong riles, ayon sa isang opisyal. 

Wala munang biyahe mula Shaw Boulevard station hanggang Taft station sa pagitan ng alas-6 at alas-6:30 ng umaga dahil sa nakitang bitak sa riles. 

"Kahit agahan mo 'yong pasok, tapos biglang masisira [ang MRT train], wala po, late pa rin po," reklamo ng pasaherong si Maricel Sotto.

"Lagi naman ganito. Wala namang pagbabago. Sanay na rin naman kami," ayon sa isa pang apektadong pasahero.

Pasado alas-8 ng umaga, nagpababa muli ng mga pasahero sa Cubao station dahil may na-detect na malakas na vibration sa riles.

Isa sa mga napababa si Muntinlupa Representative Ruffy Biazon.

"Naisip ko, ito ang nararanasan ng mga kababayan natin madalas at sana nga talaga masolusyunan na natin," ani Biazon. 

Nanawagan din si Biazon sa Department of Transportation (DOTr) na paspasan na ang pagsasaayos sa treng bumibiyahe sa EDSA.

Matapos ang isang oras, may nasilip namang problema sa pagkakakabit ng dalawang bagon dahil din umano sa riles.

Higit dalawang taon nang pinag-uusapang mapalitan nang buo ang riles ng MRT.

Pero ayon sa pamunuan ng MRT, nasa bidding process pa rin ito.

Sa ngayon, tanging pagbabantay pa lang sa kondisyon ng riles ang magagawa ng pamunuan ng MRT.

"We have a constant monitoring of our rails. Sa umpisa pa lang kasi ng biyahe tsine-check na 'yan, may una pang tren na iikot to make sure na maayos ang ruta natin," ani Mike Capati, Director for Operations ng MRT-3. 

Ayon din kay Capati, hangga't hindi napapalitan ang riles, hindi maiiwasan ang aberya.

Bukod sa riles, nagkakaroon din daw ng aberya kapag pinipilit buksan ng mga pasahero ang pinto ng tren.

Budget ng DOTr

Inabot naman hanggang madaling araw ng Miyerkoles ang pagtalakay ng Senado sa budget ng DOTr para sa 2018.

Ayon kay Senador Grace Poe, mistulang nagtapon lamang ng pera ang mga dating opisyal ng DOTr kaya dapat silang managot sa paulit-ulit na aberya sa MRT.

"Ano ba talagang balak gawin ng DOTr para ayusin ang MRT-3? At saan nila ginamit ang pondo ng MRT-3 capacity expansion program last year?" tanong ni Poe habang hinihimay ang panukalang budget ng ahensiya.

Sabi rin ni Poe, aabot sa P526 milyon ang nasayang na pondong ipinambayad sa Dalian Corporation para sa P3.8 bilyong halaga ng kontrata para sana madagdagan ang bilang ng mga bagon ng MRT.

Pero lumabas aniya na sa 48 bagon na nai-deliver, 29 lamang ang may signalling system.

Dagdag din ni Poe, lahat din nitong apat na dosenang bagon ay may bigat na 49,000 kilo kada isa, gayong 46,300 kilo lamang daw ang limitasyon pinapayagan para hindi magkaaberya at masira ang riles.

Una nang sinabi ng DOTr na isasauli na lamang ang nabiling bagon tulad ng ginawa ng Singapore.

Mahigit P70 bilyon ang hinihinging budget ng DOTr para sa 2018, mas mataas sa mahigit P55 bilyong pondo ngayong taon ng kagawaran.

-- Ulat nina Jacque Manabat at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.