5 babae, 4 lalaki arestado sa buy-bust sa Taguig

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 07:45 AM

Huli ang 5 babae at 4 na lalaki sa isang drug den sa Barangay Pinagsama, Taguig City Lunes ng gabi.

Kinilala ng pulis ang dalawang hinihinalang tulak ng droga na sina Rhodora Ramos at Ruth Bermaje. Itinanggi naman ng dalawa ang alegasyon laban sa kanila.

"Hindi po totoo yan," ayon kay Ramos. "Wala po akong alam na ganyan," ani Bermaje.

Ayon kay Senior Insp. Raffy Espiranzate, hepe ng Police Community Precinct - 8 ng Taguig City, isang buwan din nilang minanmanan ang dalawa bago isinigawa ang buy-bust operation sa bahay na inuupahan ni Ramos.

Nang pasukin ng mga pulis ang bahay, naaktuhan din nila umanong nag-pot session ang tatlo pang babae at apat na lalaki.

Napag-alaman ng pulis na ginagamit din pala ang inuupahang bahay bilang drug den kung saan kumukuha sila ng suplay sa tinatawag nilang 'kangkungan.'

Nakuha mula sa mga suspek ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may street value na limang libong piso.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.