3 patay sa banggaan ng van at trak sa Agusan del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 03:39 PM

Photo courtesy of Thata Improso

Tatlong katao ang nasawi matapos na magsalpukan ang isang van at trak sa Bunawan, Agusan del Sur Lunes ng hapon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Romeo Agres at John Mark Warquez, mga pasahero ng van. Sa ospital naman idineklarang dead on arrival ang driver ng van na si Cocoy Cabana.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, bumiyahe ang van mula sa Trento papuntang San Francisco sa Agusan del Sur habang nasa kabilang direksiyon naman ang dumptruck.

Pagdating sa Sitio Barobo, Barangay Libertad, nag overtake ang van sa isang motorsiklo at sinalpok nito ang kasalubong na trak na minamaneho ni John Rey Durado.

Nasa isang punerarya sa Trento, Agusan del Sur ang mga labi ng nasawi habang nasa kustodiya ng Bunawan Police ang driver ng dumptruck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.