3 patay, 13 sugatan sa salpukan ng van at dump truck sa Agusan Del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 06:20 PM | Updated as of Oct 10 2017 06:56 PM

Retrato mula sa Bunawan Police

Patay ang dalawang pasahero at driver ng van matapos salpukin ng isang dump truck sa Maharlika Highway sa Bunawan, Agusan del Sur nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ang driver ng van na si Romeo Cabana at ang dalawang pasahero naman ay sina John Mark Warquez at Romeo Agres.

Ayon sa imbestigasyon, nag-overtake ang van na papuntang Butuan sa isang motorsiklo, dahilan para sumalpok ito sa kasalubong na dump truck.

Nasa 13 naman ang sugatan na agad isinugod sa ospital. Ang ilan sa kanila ay nakauwi na mula sa ospital.

Nanawagan ang mga namatayan at nasugatan na pasahero na tulungan sila ng may-ari ng van.

Nilagyan na rin ng barriers ng Department of Public Works and Highways ang nasirang dump truck sa kalsada.

Nasa kustodiya ng Bunawan Municipal Police Station ang driver ng dump truck na si Junrey Durado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.