2 suspek sa pananaksak sa isang babae sa Makati, arestado

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 09:51 PM

Arestado ang dalawa sa tatlong suspek na nanaksak umano sa isang babae matapos looban ang tinitirhan nitong apartment sa Barangay Rizal, Makati City.

Nasa intensive care unit sa Ospital ng Makati ang 24 anyos na biktimang si Arriane Cleto.

Nagtamo si Cleto ng pitong saksak sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Kuwento ng kapitbahay ni Cleto na si Juliet Herras, narinig niya na lang na humihingi ng tulong ang biktima noong madaling araw ng Lunes, Oktubre 9.

Sa CCTV ng kapitbahay ni Cleto, makikitang lumabas pa ang biktima bago ang krimen para magpa-load sa isang tindahan.

Makalipas ang ilang minuto, dumaan ang dalawang lalaking nakilalang sina Kato Kawamura at Excel Banggal para bumili ng serbesa.

Maya-maya pa, nakuhanan ng CCTV ang pagtakbo ni Banggal mula sa pinangyarihan ng krimen.

Naiwan sa pinangyarihan ang mga tsinelas at bote ng beer na nakitang dala ng mga suspek.

Tinangay rin ang dalawang cellphone ng biktima, ayon sa imbestigador sa kaso na si SPO1 Rolando Villaranda.

Nahuli sina Kawamura at Banggal sa follow-up operation na isinagawa ng pulisya.

Patuloy namang tinutugis ang ikatlong suspek na nakilalang si Ronald Daca.

Depensa naman ni Celine Francisco, lola ni Kawamura, hindi magagawa na kaniyang apo ang krimen.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.

Haharap ang mga suspek sa kasong "frustrated murder" at "theft".

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.