8 arestado, halos P37.8-M halaga ng droga nasabat sa 2 araw na drug ops

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2021 09:28 AM

MAYNILA— Walong drug suspek ang nahuli sa apat na magkakahiwalay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Southern Police District nitong nakalipas na dalawang araw, kung saan halos P37.8 milyong halaga ng hinihinalang droga ang narekober. 

Biyernes nang mahuli ang isang 56-anyos na lalaki sa buy-bust operation sa Col. Santos Street, Barangay South Cembo, Makati. Nakuha sa kanya ang higit P32,600 na halaga ng hinihinalang shabu na may bigat na halos 5 gramo. 

Sa Parañaque naman, mas malaki pa ang halaga nang narekober na droga. 

Arestado ang isang 32-anyos na lalaki sa buy-bust operation ng PDEA National Capital Region sa Lombos Ave., Barangay San Isidro.

Limang kilo ng hinihinalang shabu ang nakuha sa suspek. Nakabalot pa sa metallic gold na tea pack ang mga hinihinalang shabu na may kabuuang street value na P34 milyon. 

Sa Muntinlupa naman, dalawa ang arestado sa Daang Hari sa Barangay Ayala Alabang. Kalahating kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat na nagkakahalaga ng tinatayang P3.4 milyon.

Sa Pateros, apat na lalaki ang timbog rin sa buy-bust operation sa Rosales St. sa Barangay Sta. Ana. Isa sa mga suspek ay barangay tanod pa. Nakuha sa grupo ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P357,000. 

Nakakulong na ang walong nahuling mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.