Menor de edad isa sa 7 babae na-rescue sa prostitusyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2020 06:52 PM | Updated as of Oct 14 2020 08:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pitong babae, kabilang ang isang menor de edad, ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) mula sa prostitusyon sa Pasay City.

Pinasok ng NBI Anti-Human Trafficking Division ang isang motel sa Pasay at doon inaresto ang bugaw umano na si Mark Malban.

Ito ay matapos niyang dalhin doon ang 5 mga babae, kabilang ang isang 16 anyos.

Pinangakuan daw sila ng suspek ng tig-P5,000 para sa prostitusyon.

Pero depensa ng suspek, "tinutulungan" niya lang ang mga ito.

"Tinutulungan ko lang sila, binibigyan sila ng trabaho," ani Malban.

Sa isa pang entrapment operation naman sa Pasay pa rin, 2 pang babae ang ni-rescue ng NBI sa parking area ng parehong motel.

Tulad sa naunang kaso, sa group chat nagsimula ang transaksiyon. 

Iniimbestigahan din ang motel na ginamit umano ng mga bugaw. 

Kulong si Malban sa kasong human trafficking at child abuse. 

Dadalhin naman ang mga biktima sa Department of Social Welfare and Development. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.