2 sugatan sa pagtaob ng trailer truck sa Ilocos Norte

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2020 01:51 AM | Updated as of Oct 09 2020 05:25 AM

Kuha ng LDRRMO Bangui

BANGUI, Ilocos Norte – Dalawang tao ang malubhang nasugatan matapos tumaob ang kanilang sinasakyang trailer truck sa national highway sa bayan ng Bangui, Ilocos Norte nitong Huwebes ng umaga.

Nakuha sa CCTV ang insidente kung saan makikitang mabilis ang takbo ng truck sa Brgy. Baruyen.

Nang umabot na sa isang kurbadang bahagi ng national highway ang truck, tumaob na ito. 

Sa inisyal na imbestigasyon, nawalan ng preno ang sasakyan kaya nawalan ng kontrol ang drayber sa truck.

“Sa 8 nakasakay kabilang ang drayber, 2 ang lubhang nasugatan. Naipit ang kanilang paa sa steel bars” ani Police Capt. Juluis Basallo, hepe ng PNP-Bangui.

Galing ang trailer truck sa Metro Manila at magde-deliver sana ng steel bars sa Bangui.

Lumalabas na ito ang unang beses na pagmamaneho drayber sa lugar kaya hindi niya kabisado ang matitirik na daan.--Ulat ni Dianne Dy

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.