'Top 2' drug suspect ng Novaliches patay sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 04:20 PM

MAYNILA — Patay noong Martes ng gabi ang tinaguriang "top 2 drug personality" ng Novaliches, Quezon City matapos umano siyang manlaban sa mga pulis.

Nangyari ang operasyon sa isang madilim na eskinita ng Barangay Sta. Monica at nang aarestuhin na ay nagpaputok umano ng baril ang suspek na si Criscamar Simos o alyas "Balong.

Dito na napatay ng mga pulis ang suspek.

"Madalas nagbabagsak ito ng droga sa mga tricycle driver dito," sabi ni Police Lt. Col. Rossel Cejas ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.

Aminado ang isang kagawad sa barangay na matindi pa rin ang problema ng shabu sa kanila. Sa kabila kasi ng war on drugs, marami pa ring mga pusher at user doon.

Nang tanungin kung bakit tila hindi nauubos ang shabu kahit na maya't maya ang buy-bust operation, naghinala ang kagawad na talamak ang "recycling" ng droga sa lugar.

"Baka nare-recycle ang drugs galing sa mga pulis. Hindi naman kasi diba maiiwasan 'yun, na may mga masamang kamatis talaga sa kanila. Nasa Senate investigation na nga," sabi ni Kagawad Elisa Lim.

Itinanggi naman ng mga pulis na umiikot ulit ang mga nakukumpiskang droga sa Novaliches.

"Opinion ni kagawad yun at inirerespeto namin yun... Pero wala pong pagre-recycle ng droga," depensa naman ni Cejas.

Nakuha sa napaslang na suspek ang 8 sachet ng shabu.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.