Pasahero ikinuwento ang 'pangmomolestiya' umano ng Angkas rider

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 05:52 PM | Updated as of Oct 09 2019 07:06 PM

Pauwi ng bahay si alyas "Gabby" nang mag-book sa ride-hailing app na Angkas bago mag-alas-9 ng gabi noong Sabado sa Project 6 sa Quezon City.

Pero sa halip na 30 minuto lang na biyahe, inabot ang biyahe ni "Gabby" ng higit isang oras.

Ilang beses umanong inihinto ng rider si "Gabby" sa madidilim na bahagi ng kalsada. Doon daw siya hinawak-hawakan sa maseselang bahagi ng katawan.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Sobrang takot ko ho kasi na baka 'pag nanlaban ako o umiyak ako o malaman niyang alam ko 'yong ginagawa niya, baka dalhin ako sa tabi, buhatin na lang ako or worse, patayin niya ako," ani "Gabby" sa panayam ng ABS-CBN News.

"Ang tagal kong tiniis 'yong ginawa niya sa takot na may gawin siya sa'kin sa madilim pang lugar," dagdag niya.

Tiniis ni "Gabby" ang biyahe hanggang makarating sa kanilang barangay kung saan nakakita siya ng mga tanod.

"Sobrang hysterical ko na noon, noong nakita ko 'yong mga tanod. Doon na ako nagwala," kuwento niya.

Ikinulong na sa police station sa Anonas ang rider na kinilalang si Herbert Teves pero itinanggi niya ang paratang.

Ayon kay Teves, totoong huminto-hinto sila sa biyahe pero para raw iyon sa kaligtasan ni "Gabby."

"Medyo tinamaan na kasi siya sa kaniyang pagkalasing," ani Teves.

"'Yong kaniyang leeg na nakapatong sa 'king balikat at 'yong kaniyang kamay, naka-hug kasi siya sa'kin, nalalaglag po 'yong leeg niya, 'yong hita niya kasi bumubuka na kaya ginaganyan ko po 'yong hita niya kasi baka tatamaan kami ng mga kasabay namin sa kalsada," kuwento ng rider.

Inamin naman ni "Gabby" na nakainom siya noon pero hindi raw dahilan iyon para hindi managot si Teves sa umano'y pangmomolestiya.

Sinampahan na ng kasong acts of lasciviousness si Teves pero maaari itong mauwi sa rape depende sa resulta ng medical exam ni "Gabby."

Sa isang pahayag, sinabi ng Angkas na sinuspende nila si Teves at nakikipagtulungan na sa mga awtoridad para malutas ang kaso.

May patakaran ang Angkas na ipinagbabawal ang pagtanggap sa mga pasaherong lasing.

Dumadaan din ang mga rider sa seminar para sa ligtas na pagmamaneho at maayos na pagtrato sa mga pasahero. -- Ulat nina Zen Hernandez at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.