Palasyo nagbabala sa mga sindikato sa paglipat ni Police Maj. Espenido sa Bacolod City

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 07:40 PM | Updated as of Oct 10 2019 10:13 AM

Nagbabala ang Malacañang sa mga sindikato ng ilegal na droga sa pagdating ni Police Major Jovie Espenido sa Bacolod City.

Isang masigasig na pulis ang pagturing ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kay Espenido.

Sa Oktubre 15 inaasahang magreport sa Police Regional Office-Western Visayas ang dating hepe ng Ozamiz City.

"Ang reputasyon ni Espenido 'pag nandoon sa isang lugar ay bumabagsak ang sindikato ng droga. Ibig sabihin talagang masigasig siya," ani Panelo.

Si Espenido ang isa sa mga namuno sa anti-illegal drug operation na ikinamatay ni Mayor Reynaldo Parojinog at asawa nito kasama ang 13 iba pa noong Hulyo 2017.

Si Espenido rin ang hepe ng Albuera, Leyte nang nabaril at napatay si dating Mayor Rolanda Espinosa, Sr. matapos umanong makipagbarilan sa mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group na naghain ng search warrant sa loob ng kulungan.

"The message is do not violate the law. Otherwise you'll be resting comfortably, if you resist arrest, in a final resting place. If you just surrender eh wala naman problema," paalala pa ni Panelo sa mga sindikato ng ilegal na droga.

Kasalukuyang nasa Bacolod City si Panelo para sa Public Employment Service Office Congress.

--Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.