'Oras, kita naaaksaya sa trapikong dulot ng one-way scheme sa SLEX'

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 06:40 PM | Updated as of Oct 09 2019 07:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabi-kabilang batikos mula sa mga motorista at netizens ang inabot ng pagsasagawa ng one-way traffic scheme sa South Luzon Expressway sa bigat ng trapikong idinulot nito. 

Konektado ang traffic scheme - na inanunsiyo noong Oktubre 4 - sa pagsasaayos ng Skyway Stage 3 Project. 

Sa ilalim ng traffic scheme, sinarado ang toll plaza sa Alabang kaya idinaan ang mga sasakyang pa-Northbound sa East Service Road, dahilan para maipon ang mga sasakyan. 

Si Francis Sanchez, nanawagang gawing libre na lang ang toll sa SLEX sa bigat ng trapiko rito. 

"Araw-araw na ginawa ng Diyos napaka-traffic... Dapat ang SLEX wala nang bayad 'pag ganitong ka-traffic," ani Sanchez, na bumibiyahe mula Calamba, Laguna. 

Lugi naman umano ang bus driver na si Rolly Dela Cruz sa bagal ng usad ng mga sasakyan sa kalsada. 

Doble hanggang triple raw kasi ang oras na kinakain ng trapiko kaya hindi ito makapagbalikan na biyahe. Dahilan daw ito para "ma-rayuma" siya. 

Apektado sa traffic scheme ang mga nanggaling sa Batangas at Calamba dahil isang lane ang sinarado paglabas ng Alabang Viaduct, dulot ng pag-okupa ng mga heavy equipment sa isang lane ng kalsada. 

Dahil dito, apektado na raw ang trabaho ng ilang motorista gaya ni David Fernandez. 

"Marami po kaming dapat pang magagawa sana pero hindi na namin magagawa pagdating ng office," ani Fernandez. 

"Malaki ang epekto sa negosyo. Imbis na mabebenta nang maaga wala na," kuwento pa ng isang tindero ng gulay na nagdadaan ng paninda sa highway. 

Sa tindi ng trapiko, sa social media rin idinaan ng mga motorista ang kanilang galit sa haba ng panahong naaaksaya sa naturang kalsada sa bigat ng trapiko.

Paliwanag ni Manuel Bonoan, president ng Skyway Operations ng South Luzon Tollways, kinakailangang gawin ang traffic scheme para mas mapabilis ang pagsasaayos sa Skyway 3 Project. 

Umapela ang pamunuan ng South Luzon tollways ng pasensiya sa bigat ng trapiko. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.