Negosyante tiklo matapos hindi bayaran ang SSS contributions ng mga empleyado

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 07:27 PM

CAGAYAN DE ORO - Isang negosyante ang timbog dito sa lungsod Miyerkoles matapos siya sampahan ng reklamo ng Social Security System (SSS) na hindi nagbabayad ng buwanang contribution para sa mga empleyado ng kaniyang bakeshop.

Ayon sa SSS, apat na taon nang hindi inasikaso ni Bienvenido Macaraeg Jr. ang mga contribution at umabot sa higit na P500,000 ang kaniyang hindi nabayaran. Dahil dito, mayroon siyang penalty na higit P700,000.

Mayroon sanang condonation program ang SSS noong Marso hanggang Setyembre para hindi na magbayad ng penalty ang mga may pagkukulang sa contributions, pero hindi umano ito inasikaso ni Macaraeg.

"Nakipagkita pa sa amin noon si Macaraeg dahil plano niya sanang hulugan ang pagbabayad ng contribution. Pumayag kami. Pero kahit minsan ay hindi siya nakapagbayad," ani Carlos Flaviano II ng Employers Delinquency Monitoring Department ng SSS.

Umamin si Macaraeg sa mga paratang.

"Humina ang aking negosyo dahil sa nakalipas na mga taon, pinagnanakawan ako ng aking mga empleyado," aniya.

Ayon naman kay Ma. Barbara Raizza, isang opisyal ng SSS, ilang beses binibigyan ng pagkakataon ang employers na makabayad bago umabot sa pagsasampa ng kaso. 

"Binibigyan po ng maraming pagkakataon 'yung mga employers na mag-comply sa kanilang responsibilidad. May billing letter, may demand letter bago po namin sila kasuhan," ani Raizza. 

Sa record ng SSS, nasa 150 delinquent employers sa Northern Mindanao, Caraga at Lanao del Sur ang mayroon nang warrant of arrest.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.