Mga ilegal na istruktura sa Bilibid giniba, kontrabando kinumpiska

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 02:57 PM | Updated as of Oct 09 2019 06:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagiba ngayong Miyerkoles ng mga awtoridad ang mga ilegal na istruktura sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa na nagsisilbi umanong pugad ng mga ilegal na gawain.

Layon ng clearing operation sa loob ng national penitentiary na maalis ang mga kubol na pinangyayarihan ng mga ipinagbabawal na gawain gaya ng bentahan ng ilegal na droga at paggamit ng mga preso ng cellphone, ayon kay Gerald Bantag, hepe ng Bureau of Corrections (BuCor).

Katuwang ng BuCor sa clearing operation ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology, Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, Armed Forces of the Philippines, at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Giniba ang mga kubol gamit ang mga heavy equipment ng DPWH.

Bukod sa paggiba, nakuhanan din ang ilang preso ng mga kontrabando gaya ng pera, bladed weapon, videoke, generator, at isang oven na gamit sa ginawang bakery sa loob ng piitan.

Isang banyagang inmate din ang nakuhanan ng ilang rolyo ng marijuana.

Aabutin ng 3 araw ang paggiba sa mga istruktura sa isang quadrant ng maximum security compound, na may 4 na quadrant, ayon sa DPWH. 

Gigibain din ang mga kubol sa medium at minimum security compound.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.