Masbate town vice mayor pinagbabaril habang nag-aalmusal sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 02:34 PM | Updated as of Oct 09 2019 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patay ang vice mayor ng Batuan Ticao Island, Masbate matapos siyang pagbabarilin habang nag-aalmusal sa Sampaloc Maynila nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Charlie Yuson III, na isinugod pa sa University of Santo Tomas Hospital pero kalauna'y nasawi din.

Sugatan naman ang 2 kasama ni Yuson na sina Wilfredo Pineda at Alberto Alforte.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Manila Police District, nag-aalmusal ang mga biktima sa lugar nang biglang huminto ang isang silver van sa kahabaan ng Vicente G. Cruz Street.

Nagbabaan ang gunmen at malapitang pinaputukan ang grupo ni Yuson.

Agad na sumakay sa getaway vehicle ang mga salarin patungo sa direksiyon ng Ramon Magsaysay Boulevard.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Si Yuson ang ika-20 local government official na napaslang magmula noong maluklok sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.