Magkaibigan na lolo patay nang masagasaan sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 10:49 AM

Patay ang dalawang senior citizen matapos mabangga ng dalawang jeep habang tumatawid sa highway sa Cardona, Rizal.

Kinilala ang mga biktima na sina Eulogio Estrella Bando Jr., 71, at Roland Julian, 72 na matalik na magkaibigan.

Tumatawid noong Lunes ang magkaibigan sa National Highway nang salpukin ng pampasaherong jeep sa Cardona.

Tumilapon pa sa gitna ng kalsada si Julian kaya muli itong tinamaan ng kasunod na jeep.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Cardona police na mabilis ang takbo ng dalawang jeep kahit pa matao ang lugar.

Wasak ang bumper ng dalawang jeep.

Itinakbo pa sa ospital ang dalawang biktima pero idineklara itong dead on arrival dahil sa malubhang mga tama sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Inaresto ang tsuper ng dalawang jeep na sina Edgar Saligumba, 23, at Jan Miggs Tabadero, 22.

Kinasuhan sila ng dalawang counts ng reckless imprudence resulting to homicide.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.