Lalaki patay sa pamamaril sa CDO

Rodulfo Regalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 12:58 PM | Updated as of Oct 09 2019 03:25 PM

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang 23 anyos na lalaki matapos barilin ng hindi pa kilalang salarin sa likod ng isang computer shop sa Barangay Camaman-an dito sa siyudad, Martes ng hapon.

Ayon sa pulisya, posibleng naglalaro sa computer shop si John Mark Cael Lagumbay at may nakaalitan. Pero hindi pa matiyak ng mga pulis ang motibo sa pamamaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa kaniyang tiyan at kanang bahagi ng paa ang biktima.

Sabi ng ina ng biktima na si Evangeline, umalis ang kaniyang anak matapos mananghalian. Nakaugalian na umano nito ang paglalaro sa computer shop kung walang pasok sa trabaho. Nagsilbing warehouseman ang biktima sa isang mall sa lungsod.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang awtoridad hinggil sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.