Kampanya kontra 'tolongges, dugyot' kaya bang panatilihin ni Isko?

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos mahalal bilang alkalde ng Maynila, sinabi ni Francisco "Isko Moreno" Domagoso na papaliguan niya ang "dugyot" na lungsod. 

"I'll move heaven and earth to clean up the city. Dugyot kami. Papaliguan ko lang naman," ani Moreno sa dating panayam ng ABS-CBN News Channel.

Magmula noon, puspusan ang clearing operations, at tinugis ang mga "tolongges" na namugad sa makasaysayang lungsod. 

Nagsimula bilang artista, at tumawid sa politika si Moreno kung saan halos 20 dekada siyang nagsilbing konsehal at bise-mayor. 

Ngayon, sa social media na nagpapakitang-gilas ang alkalde, na magandang ideya, ayon sa political analyst na si Alan German. 

"It's a brilliant move," ani German.

Bukod sa open-governance policy ng Maynila gamit ang social media, naibaba ang amelyar sa real property, bumilis ang pagbubukas ng negosyo at pinagbawal ang pagbenta ng alak malapit sa mga paaralan. 

Ipinatupad din ang curfew para sa mga kabataan. 

Dahil sa mga nagawa, nahikayat ang 16 na ambassador na bumisita kay Moreno para ipahayag na nais nilang makipagtulungan sa Maynila.

Nag-donate din ang mga negosyante at mga overseas Filipino workers ng higit P20 milyon sa lungsod. 

Marami ang humanga kay Moreno sa kaniyang unang 100 araw ng panunungkulan. 

Pero aminado si Moreno na marami pa siyang bubunuin sa kaniyang nasasakupan, kaya nanawagan siya ng pagkakaisa sa mga pinuno ng mga barangay. 

"Paano tayo magkakaron ng katiyakan na tayo ay magtatagumpay? Edi tulungan ninyo ako. Hindi ko kaya mag-isa ito eh," ani Moreno. 

Nauna man siya sa pagsasagawa ng road clearing operations, bigo pa rin ang Maynila na tapusin ito sa loob ng 60-day deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Para kay Moreno, hindi dapat sukatin ang kaniyang administrasyon sa dami ng papuri o punang natatanggap sa loob ng unang 100 araw nito. 

"It's like boxing.... although nakaka-points tayo, hangga't hindi tapos ang rounds, we will never stop," ani Moreno. 

Pero kaya pa ba ni Moreno na ipagpatuloy ang laban?

"Kapag bumalik ang Recto, Juan Luna, Soler, Blumentritt sa chaotic situation; huwag kayong mag-isip, nagkapera ako," ani Moreno.

Dati na ring pinuri ni Duterte ang mga programa ni Moreno pero aminado itong matagal pa ang laban para rito. 

-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.