Kahon-kahong processed pork meat nasabat sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 08:10 PM

Kinumpiska ang kahon-kahong processed pork meat na nasabat sa quarantine checkpoint ng Task Force Anti-Swine Fever sa siyudad ng Ilagan sa Isabela nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon kay Moises Alamo, City Agriculture Officer, sakay ng pampasaherong bus mula Quezon City ang mahigit 80 kahon ng longganisa, tocino, siomai at iba pang meat products na dadalhin sana sa Tuguegarao City, Cagayan.

Nangyari ito sa gitna ng pag-monitor sa mga produktong baboy dahil sa mga naitalang kaso ng African Swine Fever sa ilang bahagi ng Luzon. 

“Noong mura pa kasi ang karne ay uso 'yung nagkakarga ng karne sa bus papuntang Maynila. Tapos nagtataka kami na walang laman kahit 'yung mga NMIS (National Meat Inspection Service) accredited na meat delivery van. Kaya sumubok kaming mag-inspeksiyon ng bus at nagpositibo naman,” paliwanag ni Alamo.

Walang kaukulang mga papel o dokumento tulad ng meat safety inspection certificate ang mga produkto kaya agad kinumpiska.

Dapat ay ibabaon sa lupa ang mga ito, pero dumating ang mga may-ari at binawi ang mga produkto.

Tiniyak din ng awtoridad na maibabalik sa point of origin o lugar na pinanggalingan ang mga ito.

“Pina-escort sa pulis hanggang makalabas sila ng Nueva Ecija. Tapos nag-waiver sila dito sa Bureau of Animal Industry na hindi na sila uli magpapasok dahil mayroon nang penal provision kapag ulitin nila," dagdag ni Alamo.

Pinigilan din ng Task Force ang pagpasok sa lungsod ng limang buhay na baboy mula sa bayan ng Delfin Albano sa parehong probinsiya dahil sa kawalan ng papeles.

Pero pinahintulutan din makaraang makakuha ang may-ari ng sertipikasyon mula sa Municipal Veterinary Office.

Naghihigpit na sa pagpasok ng baboy sa probinsiya matapos ipag-utos ni Gov. Rodolfo Albano III ang temporary total ban sa mga baboy at karne galing sa ibang lugar.

Noong nakaraang buwan, mahigit 40 kilo ng karneng baboy na gagamitin sana sa isang birthday party sa bayan ng San Mateo ang nakumpiska matapos na matuklasang galing ito sa Bulacan na isa sa mga lugar na may kaso ng African Swine Fever.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.