Isetann mall sa Maynila ipinasara dahil sa mga paglabag

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuluyan nang ipinasara ni Manila Mayor Isko Moreno ang tanyag na Isetann Recto mall matapos ang sunod-sunod na paglabag ng establisimyento sa iba't ibang ordinansa ng lungsod. 

Bitbit ang kadena at kandado, nagtungo si Moreno sa mall kasama ang mga tauhan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Manila City Hall at Manila Police District para ihain ang closure order.

Kabilang sa mga paglabag ng Isetann ang pag-o-operate nang walang kaukulang permit, illegal gambling, at pagbebenta ng mga nakaw na cellphone sa mga stall. 

Wala namang nagawa ang may-ari ng mall kahit pa nauna na nilang sinabi na mayroon silang business permit.

Paglilinaw ng BPLO, may business permit nga pero walang lessors' permit ang Isetann.

"[Meaning] wala silang karapatang magpaupa," ani Levi Facundo ng BPLO.

Bukod sa isyu sa permit, nabuko rin ng pulisya na sa Isetann ibinabagsak ng mga kawatan ang mga nakaw na cellphone para roon ibenta. 

Sa gitna naman ng pagsasara ng mall, nag-iyakan ang ilang empleyado at may-ari ng stall.

"Matagal kong pinag-ipunan... itong business na ito," hinaing ni Sheryl Soberano, negosyante. 

Sinabi naman ng pamunuan ng Isetann na susunod sila sa utos ni Moreno pero naniniwala silang panandalian lamang ito. 

"We fully support the advocacy of the city mayor... We believe that this is only temporary and we look forward to serve you again very soon," anang kompanya sa isang pahayag. 

Sabi naman ng Manila City Hall, may tsansang magbukas ulit ang mall basta't maitatama ang lahat ng kanilang paglabag.   

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.