Ginang patay sa pamamaril sa Quezon

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 11:33 PM

TIAONG, Quezon - Patay ang isang ginang matapos pagbabarilin habang nakaupo sa labas ng kanilang bahay sa Sitio Burol, Barangay Lumingon, Tiaong, Quezon, bandang alas dos ng hapon, Miyerkoles.

Kinilala ang biktima na si Rowena Manalo, 52 anyos.

Ayon sa ilang residente sa lugar, dalawang beses pinaputukan ng salarin ang biktima gamit ang hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Naglakad lang umano ang salarin palayo sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa pulisya, isa sa tinitingnan nilang motibo ng pamamaril ang maraming pagkakautang ng biktima, base na rin sa mga text messages sa cellphone nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang pagkakakilanlan ng salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.