Drug suspek patay matapos umanong manlaban sa Novaliches buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 05:39 AM

MAYNILA—Patay ang isang drug suspek matapos umanong manlaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City Martes ng gabi.

Nagpaputok umano ng baril sa mga pulis si Criscamar Simos, alyas Balong, na itinuturing na number 2 drug personality sa lugar.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.

"Madalas nagbabagsak ito ng droga sa mga tricycle driver dito," ani Police Lt. Col. Rossel Cejas ng Novaliches Police Station.

Narekober kay Simos ang 8 sachet ng hinihinalang shabu.

Aminado ang isang kagawad ng Barangay Santa Monica na matindi pa rin ang problema ng shabu sa kanila.

"Baka nare-recycle ang drugs... galing sa mga pulis. Hindi naman kasi 'di ba maiiwasan 'yon na may mga masamang kamatis talaga sa kanila. Nasa Senate investigation na nga," ani Elisa Lim.

Itinanggi naman ng pulisya na umiikot ulit ang mga nakukumpiskang droga sa Novaliches.

"Opinion ni kagawad 'yon at inirerespeto namin 'yon... pero wala pong pagre-recycle ng droga," ani Cejas.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.