Cement mixer truck nahulog sa gilid ng kalsada sa Ilocos Norte, 2 sugatan

Randy Menor, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 05:44 PM | Updated as of Oct 09 2019 06:11 PM

Nawalan umano ng preno ang cement mixer truck kaya nahulog ito sa gilid ng kalsada sa Bacarra, Ilocos Norte. Larawan muna sa Bacarra Police Station

BACARRA, Ilocos Norte – Dalawa ang sugatan matapos mahulog ang kanilang sinasakyang cement mixer truck sa gilid ng kalsada ng Barangay Buyon dito sa bayan, Miyerkoles ng tanghali.

Nabali ang paa at kamay ng pahinante ng truck na si Kevin Villegas habang naiipit naman sa loob ng truck ang driver na si Eric Batoon.

“Na-loose brake nang pababa na sila sa bypass road. Hindi na nakontrol ng driver 'yung sasakyan kaya nahulog,” ayon kay Police Maj. Rommel Santos, hepe ng Bacarra police.

Nagtulong-tulong ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), Philippine National Police at Bureau of Fire Protection para maalis sa pagkakaipit ang driver. 

Agad na dinala sa ospital ang dalawang biktima.

Buti na lang at walang sasakyan na nakasalubong ang truck nang maaksidente.

Muling nagpaalala ang awtoridad sa mga motorista na suriin ng mabuti ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.