Bayan sa Zamboanga del Sur, nanawagan wag putulin ang mga acacia sa road widening project

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 08:02 PM | Updated as of Oct 10 2019 12:50 AM

Nanganganib maputol ang mga puno na ito sa bayan ng Molave sa Zamboanga del Sur dahil sa isang road widening project.

MOLAVE, Zamboanga del Sur – Nagbibigay-lilim sa mga dumadaang motorista ang mga malalaking puno ng acacia sa gilid ng isang kalsada sa Barangay Blancia dito sa bayan.

Dahil sa malalaking sanga nito na hugis arko na, napakalawak ang naibibigay nitong lilim kaya parang dumadaan sa isang tunnel ang mga motoristang bumabaybay dito.

Pero posibleng mawala ang mga puno dahil saklaw ng lugar ng mga ito ang kalsadang isasailalim sa isang road widening project.

Sa isang Facebook post, nanawagan ang lokal na pamahalaan dito na sana’y matulungan sila na hindi putulin ang mga puno.

Paglilinaw ni Mayor Cyril Reo Glepa, pasok ang mga nakahilerang acacia sa ipinatutupad na 1.5 meters na setback sa isinasagawang road clearing operation pero pinipilit naman nilang maisalba ang mga punong ito.

Nagsisilbing landmark sa lugar ang mga nakahilerang acacia at dahil sa tagal na nitong naitanim, plano ng administrasyon na i-develop ang lugar para maging isang atraksyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

“Kami dito sa LGU (local government unit), hindi namin talaga puputulin kahit isang sanga diyan. Wala kaming naputol. I see it as our symbol kasi it is the entrance of our municipality, it welcomes our guests and also our residents when they come back from their work, or siguro sa kanilang bakasyon so o, nandito na talaga Molave na talaga,” ani Glepa.

Pero ayon sa DPWH, nahihirapan din silang maipatupad ang gagawing road widening sa Molave dahil sa dami ng punongkahoy na tatamaan kaya’t patuloy din nila itong inaaral ngayon.

Bukod sa mga puno ng acacia sa Barangay Blancia, tatamaan din ang mahigit 70 puno ng mahogany na nakahilera din sa gilid ng kalsada sa Barangay Sudlon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.