Albayalde mas nadiin sa isyu ng 'ninja cops' sa paglutang ng dating heneral

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 06:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila lalong nadiin sa kontrobersiya ng "ninja cops" o mga tiwaling pulis si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde matapos lumutang nitong Miyerkoles ang dating heneral na nag-imbestiga sa kaso.

Sa unang pagkakataon kasi, dumalo sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee si retired Gen. Rudy Lacadin, ang inatasan ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Gen. Benjamin Magalong na siyasatin ang kuwestiyonableng drug raid sa Mexico, Pampanga noong 2013.

Bago maitalaga bilang pinuno ng PNP, si Albayalde ang naging hepe ng Pampanga police. 

Kinilala ang mga dating tauhan ni Albayalde na sina:

1. Lt. Col. Rodney Raymundo Louie Baloyo
2. Capt. Joven De Guzman Jr.
3. Master Sgt. Jules Lacap Maniago
4. Master Sgt. Donald Castro Roque
5. Master Sgt. Ronald Bayas Santos
6. Master Sgt. Rommel Munoz Vital
7. Master Sgt. Alcindor Mangiduyos Tinio
8. Master Sgt. Dante Mercado Dizon
9. Master Sgt. Eligio Dayos Valeroso
10. Staff Sgt. Dindo Singian Dizon
11. Staff Sgt. Gilbert Angeles De Vera
12. Staff Sgt. Romeo Encarnacion Guerrero
13. Police Corporal Anthony Loleng Lacsamana


Rebelasyon ni Lacadin, "umamin" daw sa kaniya si Albayalde na may "kaunting napunta" sa kaniya sa naturang drug raid pero hindi siya sigurado kung biro lang ito. 

"He called me up... Ang maalala ko is that [he said], 'sir, parang naimbestigahan niyo daw kami.' Ang sabi niya, I don't know if joking siya, ang sabi niya, 'Actually, sir, konti lang naman ang napunta sa akin diyan.' Iyun po ang aking na-recall," ani Lacadin.

Pinabulaanan naman ito ni Albayalde.

"I really do not know kung ano po 'yung conspiracy dito. Everybody's ganging up on me... Hindi ko po alam anong against niya sa akin, si Gen. Lacadin, pero kung sabihin mong sinabi ko 'yan noon, ang tanong ko ulit: Why was I not charged?" pagtataka ni Albayalde. 

Batay sa lumang report ng CIDG, tadtad umano ng butas ang nangyaring raid noong 2013. Sa 200 kilong nasamsam na droga, 36 kilo na lang daw ang naideklara. 

Matapos pa ang raid, nakabili ng mga mamahaling sasakyan ang mga pulis na dawit sa operasyon.

Hindi din daw lusot si Albayalde sa pananagutan kahit pa sinabi nitong hindi niya alam ang operasyon. Sa spot report kasi ng raid, naroon ang kaniyang lagda.

Duda naman ng mga senador, may pumagitna para pigilan ang pagkakasibak sa 13 pulis dahil pawang demotion lamang ang naging parusa sa kanila. 

Naninindigan si Albayalde na mga paninira lamang ang bintang sa kaniya. Nakatakdang magretiro ang heneral sa Nobyembre 8.


—Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.