1 patay sa salpukan ng motorsiklo, sports car sa Davao

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2019 06:05 PM

Namatay sa aksidente ang driver ng motorsiklo habang sugatan naman ang angkas niyang misis. Screen grab hango sa video ni Ruben Gogo Villas Jr.

DAVAO CITY – Patay ang isang 44 anyos na lalaki matapos na mabangga ang kaniyang motorsiklo ng kasalubong na sports car sa Barangay Malamba, Marilog District dito sa siyudad, Miyerkoles ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Eliperio Calites, isang kasapi ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU). Sugatan din ang asawa ni Calites na angkas niya sa motorsiklo.

Batay sa imbestigasyon ng Marilog Police, nag-overshoot ang sports car na minamaneho ng isang Gary Tan Jimenez sa pakurbang bahagi ng kalsada at nasalpok ang motorsiklo.

Napag-alamang papuntang downtown ang biktima para kunin ang suweldo pero bumalik sa Barangay Dalag dahil naiwan umano ang kaniyang pitaka.

Nasa kustodiya na ng Marilog Police Station ang driver ng sports car.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.