Senado balak 'dedmahin' ang bagong draft charter ng Kamara

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 07:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi pa man nakakalampas sa Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 15 kung saan nakapaloob ang planong amyenda sa 1987 Constitution, "dead on arrival" na ang panukalang ito para sa liderato ng Senado. 

Ayon sa mga senador, hindi kakayanin ng kanilang oras ang talakayin pa ang RBH No. 15.

"Because of time constraints I really doubt if we will be able to consider it," ani Senate President Vicente "Tito" Sotto III nitong Martes. 

(Dahil sa kakulangan sa oras mukhang malabo naming matalakay ang panukalang ito.)

"There is simply no time. Kaya pagdating dito wala na kaming panahon in order to look at it and that's why I said 'dead on arrival' [na ito] simply because we have no more time. Even looking at the merits, of which I have very serious reservations, personally," pahayag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon. 

(Talagang wala nang oras...Kaya nga sabi ko 'dead on arrival' na ito. Kung titingnan din ang mga merito para sa akin ay mukhang malabo.)

Ang naturang draft ay binalangkas ng mga mambabatas sa Kamara at hiwalay pa sa federal charter ng consultative committee na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

NILALAMAN NG RBH NO. 15

Kasama sa mga nilalaman ng RBH No. 15 ay ang mga sumusunod na amyenda:    

  • Pagbibigay-kapangyarihan sa Kongreso na bumuo ng federated states; 
  • 2 lang ang partido politikal at paparusahan ang babalimbing; 
  • Isa lang ang boto para sa presidente at bise presidente na kapwa may terminong 4 taon; 
  • Puwedeng mahalal ulit nang isa pang beses ang presidente at bise presidente; 
  • Kailangan ay college graduate ang presidente, bise presidente, at mga mambabatas; 
  • Papayagang magnegosyo sa bansa ang mga banyaga; 
  • 300 na ang puwedeng miyembro ng Kamara. 

Pero pinakapinag-iinitan ngayon ang probisyon na nagtatanggal ng term limit ng lahat ng opisyal maliban sa presidente at bise presidente.

Duda ng grupong Bayan Muna, gagamitin ito ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo (GMA) para palawigin ang termino niya.

"So GMA in effect can still run for Congress; this is designed, thus, for her and many others to remain in power ad infinitum. Just like before, we must do everything to derail this by pulling the plug now," ani Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate.

(Ang draft charter na ito ay dinisenyo upang makatakbo muli sa Kongreso si GMA at manatili sila nang matagal sa kapangyarihan. Kailangan nating gawin lahat para wakasan at pigilan ito.)

Hugas-kamay naman si Arroyo at iginiit na hindi niya desisyon ang tanggalin ang term limits. 

"[T]hat was not my provision. You can ask the others. My only provision was the one on how to establish a federal state," paliwanag ng House Speaker. 

(Hindi ako ang nagpasok ng probisyong iyon. Tanungin niyo pa sa iba. Ang aking kontribusyon sa charter na ito ay ang kung papaano magtatag ng isang federal state.)

Isang pang pinuputakte ng batikos ay ang pagpapalit ng line of succession. 

Imbes kasi na ang bise presidente ang papalit sa pangulo sakaling mawala siya sa puwesto, ginawa itong Senate President sa panukala. 

Ayon sa Kamara, naka Constituent Assembly (Con-Ass) na sila sa bisa ng House Concurrent Resolution No. 9 kahit walang aksiyon dito ang Senado.

Nais lang daw nilang tapusin ang kanilang parte sa isang Con-Ass at bahala na ang Senado sa susunod na hakbang.

Wala naman daw sinabi sa 1987 Constitution na dapat mag-joint session ang Senado at Kamara para makapag Con-Ass. —Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.