Presyong di bumababa kahit bumabaha ng kamatis, pinaiimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 08:53 PM | Updated as of Oct 09 2018 11:56 PM

Watch more in iWantTFC

Humihiling ng imbestigasyon ang isang lokal na opisyal sa Laguna para malaman kung bakit hindi bumababa ang presyo ng kamatis sa mga palengke sa kabila ng pagbaha ng supply nito. 

Ayon kay Kalayaan Councilor at Association of Barangay Captains president Froilan Reyes nitong Lunes, dapat imbestigahan kung mayroon nga bang sabwatan ang mga trader ng kamatis dahil hindi naman bumababa ang presyo ng kamatis sa palengke kahit na itinatapon na nga ang mga kamatis dahil sa sobrang supply. 

"Hindi kaya may sabwatan ang traders kasi bakit ganu'n naman kababa ang presyo, samantalang presyo sa palengke ay hindi naman nababa.. mas maganda maimbestigahan ito," aniya. 

Pero iginiit ng Department of Agriculture (DA) na walang ibang dahilan ang pagbagsak ng presyo ng kamatis kundi dahil sa oversupply nito na nagdulot ng pagkabulok ng ilang toneladang kamatis. 

"Gumanda [ang] panahon sa CALABARZON kaya nagsabay-sabay halos lahat ng ani ng kamatis," paliwanag ni Antonio Visitacion, na agricultural program coordinating officer ng DA sa Laguna.

Sa Kamuning Market sa Quezon City, nasa P25 hanggang P40 ang kada kilo ng kamatis. Sa Balintawak Market naman, P40 kada kilo ang presyo nito, depende sa laki ng ibinebentang kamatis. 

Itinigil na rin ng ilang magsasaka sa Barangay San Antonio ang pamimitas ng kamatis kahit hitik pa sa bunga dahil maaari pang lumaki ang kanilang lugi kung itutuloy pa ang pag-aani. 

Paliwanag nila, kailangan pa nilang magbayad ng labor fee na maaaring sapawan pa ang maliit nilang kikitain. 

"Papalitan na lang namin ng ibang pananim katulad ng sitaw, beans. Baka sakali po doon kami babawi," ayon sa magsasakang si Darrio Corde.

Tinitiyak naman ng DA na tinutulungan nila ang mga magsasaka sa Kalayaan na humanap ng mapagbebentahan para hindi masayang ang mga kamatis. 

Inihahanda na rin ang mga ayudang fertilizer, seeds, at pautang sa mga apektadong magsasaka para makapagsimulang muli ang mga ito. 

Balak turuan ng DA ng food processing ang mga magsasaka para hindi masayang ang mga kamatis. Pero may ilang magsasaka na nagpasyang maghanda na lamang ng kanilang lupa sa muling pagtatanim. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.