Pagpapatong sa presyo ng baboy, manok balak limitahan ng DA, DTI

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 07:55 PM | Updated as of Oct 09 2018 08:40 PM

Watch more in iWantTFC

Ikinasa na ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang plano nila na lagyan ng bagong klaseng suggested retail price (SRP) ang manok at baboy upang ipako ang presyo nito sa merkado kahanay ng bentahan ng producer o ang tinatawag na "farm-gate price."

Para sa manok, hindi puwedeng lumagpas ng P25 kada half kilo ang patong sa farm gate price.

Ibig sabihin, mula sa P39 hanggang P42.50 na market price para sa manok, hanggang P25 lang ang maaaring idagdag na patong ng mga trader para gawing P64 hanggang P67.50 ang SRP ng kalahating kilo ng manok sa merkado. Makakamura ang konsumer nang hanggang P7 kada half kilo ng manok.

Nasa P35 kada half kilo naman ang cap sa baboy. Dahil dito ay makakamura ang konsumer nang hanggang P12 kada half kilo ng baboy.

Sa pinapanukalang SRP scheme, linggo-linggo babaguhin ang SRP sa baboy at kada tatlong araw naman papalitan ang SRP para sa manok. Ipatutupad rin ito gamit ang price monitoring sa merkado.

Sang-ayon ang grupo na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pagbabago ng SRP. 

“Matagal na itong suggestion sa DTI. Maganda ito. Makakatulong sa consumers. Sa P50 at P70 na margin, may kita na sila,” aniya. 

Ayon naman kay Bong Inciong, pangulo ng United Broilers Raisers Association, makikinabang ang mga retailer dahil bababa ang kailangan nilang ipupuhunan para makabili ng manok. 

Pero sa kabila ng ipapataw na SRP, nag-aalangan ang ilang vendor sa Maynila dahil nakasalalay pa rin sa mga middle man ang pagkokontrol ng presyo. 

Ayon sa tinderang si Mae Angeles, maaaring nakakalito pa para sa mga supplier at mga tindera ang pagpapalit ng SRP kada tatlong araw. 

Watch more in iWantTFC

Bago naman matapos ang Oktubre ay magkakaroon na rin ng SRP sa bigas. 

Pinag-aaralan na ng DA, DTI at National Food Authority (NFA) kung magkano ang ipepresyo sa imported rice, regular local rice, well milled rice, at whole grain rice. 

Ayon kay Agriculture secretary Manny Piñol, ang NFA ang magbabantay ng mga pamilihan kung susunod sila sa SRP.

Napagkasunduan din ng mga ahensiya na gawing apat na lang ang variety ng mga bigas sa palengke para hindi na umano manamantala ang mga traders sa presyo nito. 

Inalmahan naman ng ilang grupo ang paglalagay ng SRP. Para sa kanila, price control at dagdag-ngipin sa mga batas na magpaparusa sa mga abusadong trader ang dapat ihirit ng gobyerno. 

"Ang panukala namin ay price control. Lagyan ng ngipin at panagutin ang magtataas," anang pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na si Danilo Ramos. 

Panukala naman ni Alyansa ng Industriyang Bigas chairman Robert Hernandez, dapat ay regular at well-milled rice lang ang lagyan ng SRP. 

"Yung mga imported puwede rin nilang lagyan ng ceiling pero as long [as] tanggalin nila ‘yung service fee. 'Yan po nagpapataas ng presyo ng bigas ng mga imported rice," ani Hernandez. 

Galunggong, nagmura; Bangus, nagmahal 

Mula sa P200 kada kilo, nasa P140 kada kilo na lang ngayon ang galunggong. Pero nagmahal ang bangus nang P20 kada kilo dulot ng umano’y kakulangan sa suplay. 

“Siyempre wala ka nang pinagkukunan. Ang Pangasinan (bangus) halos di na nakakarating dito sa Metro Manila. Maliliit pa nga 'yung mga bangus eh, dati malalaki,” ayon sa tinderang si George Serrano. 

Hinala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) chief Eduardo Gongona na minamanipula ang presyo dahil alam ng traders na paparating na ang mga inangkat na galunggong.

"It is coming in a week or two, na-delay lang kasi sa proseso. May mga trader diyan na nakakapag-manipulate. Di pa nga dumadating ang galunggong na import, bumaba na presyo sa market," ani Gongona. 

Sa hiwalay na pahayag itinanggi rin ni Gongona ma may kakulangan sa suplay ng bangus dahil nasa harvesting period na ang mga mangingisda ng bangus sa Pangasinan at tumataas umano ang presyo dahil sa pagpapasahan mula sa harvesting hanggang sa merkado. 

Iginiit ni Gongona na maaaring nagkaroon ng dagdag-presyo dahil sa dagdag-singil sa langis, na kinakailangan sa paglilipat ng mga isda mula sa farm hanggang sa merkado. 

—Ulat nina Warren De Guzman at April Rafales, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.