Nutrisyon ng mga bata, apektado rin ng inflation: UNICEF

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 11:21 PM | Updated as of Oct 10 2018 07:41 AM

MAYNILA - Malaking hamon para sa mga maraming Pilipino ang pagkasyahin ang kita para matiyak na masustansiya pa rin ang ihahain sa lamesa para sa kanilang mga anak sa kabila ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.

"It's sad that the inflation is now so rapid that it can now actually directly or indirectly harm children's health," ayon kay Lotta Sylwander, Philippines representative ng United Nation's Children's Fund (UNICEF).

Sa press conference matapos ang paglunsad ng UNICEF sa summary report na "Situation Analysis of Children in the Philippines" nitong Martes, sinabi ni Sylwander na mahalaga sa nutrisyon ang income ng isang pamilya.

Nitong Setyembre, bumilis ng 6.7 porsiyento ang consumer prices, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). 

"Poverty plays a big role and I think the increasing prices of food items will have an impact on the nutritional state of children," ani Sylwander.

Para naman kay Assistant Secretary Carlo Bernardo Abad Santos ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang panganib ng pagbilis ng inflation ay mas nararanasan ng mahihirap na Pilipino.

"Normally, poor people would have a big chunk of their income for food and if food prices go up, then they would either spend more or the same money they’re spending, but less food. That would impact in terms of the nutrition and health of the family, that’s why I think what's very important is that we need to address the prices of food,” sabi ni Abad Santos.

Paliwanag niya, ang main drivers ng inflation noong nakaraang buwan ay ang presyo ng bigas, gulay, isda at karne.

Aniya, may mga itinutulak na inisyatiba para masolusyunan ito.

"One important initiative is the tarrification of rice," sabi niya.

Dagdag pa niya, "We need to focus on agricultural policy in terms of improving productivity, improving access and improving logistics in the country which accounts for a lot of high prices for your fish, meat and vegetables."

Sa summary report ng UNICEF, binanggit nito na 31.4 prosiyento ng mga bata ang nasa below poverty line; 33 porsiyento ng mga batang below 5 years ang stunted o maliit para sa kanilang edad dahil sa malnutrisyon.

Bukod dito, sabi din ni Sylwander na may misconceptions na nakadadagdag sa usapin kung ano ang mas tamang ipakain sa mga batang sinusubukang patigilin na sa pagsuso sa kanilang mga ina.

"Often, in rural communities, and also in poor urban communities, a very singular food that the child is given may be only rice which is not enough for a child," saad ni Sylwander.

Maging ang "am" o ang tubig mula sa sinaing na bigas ay walang lamang nutrisyon.

"The rice water contains actually nothing in terms of nutrients. A child needs protein, carbohydrates and fat to continue to grow," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.