'Illegal recruiter' na nangako ng trabaho sa Korea, timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 04:35 PM | Updated as of Oct 10 2018 12:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Naaresto ng mga pulis noong Lunes sa Maynila ang isang babae na umano ay ilegal na nag-aalok ng trabaho sa South Korea.

Hinuli ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) sa entrapment operation sa isang mall ang suspek na si Jovelyn Pascua.

Inireklamo si Pascua sa MPD nina alyas "Joey" at "Jenny" na pinangakuan umano niya ng trabaho bilang factory worker sa South Korea na may suweldong P120,000 kada buwan.

Nagbayad ng higit P100,000 si Joey at P25,000 si Jenny para iproseso ang kanilang papeles pero makalipas ang ilang buwan ay hindi pa rin umusad ang mga ito hanggang sa i-block daw sila ni Pascua sa cellphone at Facebook.

Ayon kay Pascua, nagkamali lamang ang kaniyang tauhan.

Pero ayon kay Senior Inspector Henry Navarro, hepe ng MPD-GAIS, may hawak silang certification mula sa Philippine Overseas Employment Administration na nagsasabing hindi totoong recruiter si Pascua.

Lumabas din sa imbestigasyon ng Manila police na may 4 nang Pilipino na naunang napabiyahe si Pascua sa South Korea pero lahat sa kanila ay walang trabaho kundi naging turista lang.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Migrant Workers Act.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.