Gurong ‘nagkabit’ ng spycam sa kubeta ng paaralan, iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 05:16 PM | Updated as of Oct 09 2018 08:34 PM

Watch more in iWantTFC

Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang umano'y pagkakabit ng spycam ng isang guro sa pambabaeng banyo ng paaralan sa Alimodian, Iloilo. 

Ani PO2 Vivian Alingalan ng Alimodian police, nadiskubre ang camera nang makita daw ng isang estudyante ang tila umiilaw-ilaw na bagay sa ilalim ng lababo habang nakaupo sa toilet bowl. 

Nang silipin ng mga estudyante ang laman ng camera, nakita ang lalaking guro habang ikinakabit umano ang spycam sa banyo. 

Dalawang estudyante ring babae ang nakuhanan ng video ng nasabing spycam. 

Ayon sa ilang estudyante, mabait ang teacher at parang ama ang turing nila dito. 

Matapos mag-file ng incident report ang paaralan, sinimulan na ng DepEd ang imbestigasyon sa kaso. 

"We conducted an investigation and that is the mandate of DepEd, with or without complaint. It so happened that this school principal helped us facilitate the report," ani DepEd Iloilo Assistant Schools Division Superintendent Dr. Nordy Sison. 

Pinulong ng social welfare office at Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Alimodian ang mga estudyante, magulang, at ang sangkot na teacher. Ayon sa mga pulis, humingi umano ng tawad ang teacher at pinagsisihan ang nangyari. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang guro, na maaaring patawan ng kasong administratibo at kriminal kung mapatunayang may pagkakamali. 

Nag-leave na rin ito sa trabaho habang patuloy ang imbestigasyon. 

-- May ulat nina Joyce Clavecillas at Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.