3 lalaki, ginulpi matapos 'makursunadahan' sa Novaliches

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2018 12:11 PM | Updated as of Oct 10 2018 01:02 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Magang-maga ang panga ng isang lalaki tanda ng malakas na mga sapak habang putok naman ang ulo ng 2 pa nitong kasama matapos umanong "makursunadahan" ng isang grupo sa Novaliches, Quezon City. 

Kuwento ni alyas "Ruel", kasama n'ya ang 2 kaibigang sina alyas "Joden" at "Berny" nang bigla silang pagtripan ng isang tricycle sakay ang 3 lalaki.

Sinita umano ni Ruel ang tricycle at maya-maya'y biglang bumaba ang driver na kinilalang si Paul Anor at saka siya inundayan ng sapak.

Bumaba pa umano ang dalawang kasama ni Anor at nakisali sa gulo.

"Pagbaba ng tricycle driver namumula 'yung mata, ewan ko kung may sapi tapos biglang sinapak ako... Nakahiga na ako pero sinapak pa rin nila ako" ayon kay Ruel.

Sa puntong iyon, ipinagtanggol si Ruel ng kaniyang mga kasama at nagsimula na doon ang mistulang rambol. 

Pumasok si Ruel sa isang convenience store pero agad siyang pinalabas at doo'y muli na naman siyang pinagsasapak. 

Nagkabatuhan pa ng bato ang magkabilang kampo.

Tiyempong nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga pulis ng Police Community Precinct 3 ng Novaliches Police Station at naaktuhan ang rambol. 

"Pagdating namin sinusuntok nila ang mga biktima. Pinukpok po ng bato. Amoy alak po ang mga suspek," ani PO3 Jeremias Sese.

Agad idiniretso sa presinto ang mga grupong nag-upakan at sa imbestigasyon ay natuklasang nakainom ang kampo ng mga sakay ng tricycle. 

Mahaharap ang tatlo sa kasong physical injuries. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.