Tone-toneladang hinakot na basura, hindi tiyak kung saan maiimbak

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 05:54 PM

Umaaray rin ang mga namamasurang biglang nawalan ng kabuhayan

Simula nitong Lunes, Oktubre 9, nagtigil-operasyon na ang Philippine Ecology Systems Corp. (PhilEco), ang kompanyang naghahakot ng basura sa Maynila, Malabon, at Navotas.

Alinsunod ito sa utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na inanunsiyo noong Linggo, Oktubre 8, matapos natuklasan ang pagkatas ng basurang hinakot patungong Manila Bay.

Muling nag-inspeksiyon ang DENR at nakita nitong nagsimula nang sumunod ang PhilEco sa mga napagkasunduang panuntunan sa tambakan ng basura.

Naglagay na ang PhilEco ng pansamantalang containment tank para masalo ang mga katas ng basura at hindi na dumiretso sa Manila Bay tuwing umuulan.

Gagawin na rin ang seawall at tatanggalin ang tambak ng mga basura na dekada '90 pa nakatambak doon.

"Talaga namang nakikitang may improvement, but then hindi pa talaga siya sufficient," ani Vizminda Osorio, Regional Director ng DENR-Environmental Management Bureau.

Problema naman ngayon sa paghinto ng operasyon ng PhilEco ay kung saan maiimbak ang mga basurang dinadala sa tambakan.

Aabot sa 1,500 tonelada ng basura o 450 trucks ang dinadala sa PhilEco para dalhin naman sa Navotas Sanitary Landfill kada araw.

Nagkilos-protesta naman sa labas ng Pier 18 sa Tondo, Maynila ang mahigit 1,000 mangangalakal ng basura na apektado ng tigil-operasyon.

Nananawagan silang muling payagang mangalakal ng basura sa loob ng tambakan.

"Marami pong pamilyang umaasa sa pangangalakal po diyan sa loob ng tinatapunan ng basura," ani Reynaldo Ochangco, isang namamasura sa PhilEco.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.