Suspek sa pagnanakaw ng trak, naaksidente habang tumatakas

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 09:24 PM

CABUYAO CITY - Arestado ang isang lalaki dahil sa umano'y pagnanakaw nito ng trak.

Kinilala ang suspek na si John Leo Azopardo. Siya ang nagmamaneho ng trak nang maaksidente ito.

Sabado ng madaling araw nang makita ng mga barangay tanod ng Barangay San Isidro ang isang trak na nakabalagbag ilang metro ang layo sa kanilang outpost.

Ayon sa tanod na si Jessie Menes, agad nilang nilapitan ang trak at nakita ang drayber nito.

"Pagpunta namin meron pong tao sa loob... Bago ay tumaas po siya ng kamay, suko na ako, tapos meron pa siyang hawak na screwdriver. Dumapa po siya diyan na suko na ako, hindi na ako lalaban," ani Menes.

Naalimpungatan naman mula sa pagtulog ang truck driver na si Philip Lentic. Nakita na lamang niya na nakabalagbag na sa kalsada ang kaniyang trak.

Hindi umano niya pahinante o kakilala ang nagmaneho nito.

Nakagarahe umano sa tapat ng tinutuluyang bahay ni Lentic ang trak na may kargang kahoy na ide-deliver sa Caloocan City.

Kasalukuyang iniimbestigahan kung miyembro si Azopardo ng isang malaking grupo.

Itinanggi ni Azopardo na tinangka niyang nakawin ang trak. Aniya, gusto lamang niyang makapag-ikot gamit ang trak.

Kasalukuyang nakadetine sa Cabuyao City Detention Cell si Azopardo, habang pinaghahanap pa ang kasamahan niya na umano't tumakas.

Haharap sa kasong carnapping si Azopardo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.