'Pilipinas, maaaring mapatalsik sa Human Rights Council kung magpapatuloy ang patayan'

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 11:49 PM | Updated as of Oct 09 2017 11:52 PM

Todo depensa si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa war on drugs ng Pilipinas sa kaniyang pagharap sa isang programa ng international news agency na Al Jazeera.

"So every single one of the three and a half thousand people who was killed was a drug dealer?" tanong ng host na si Mehdi Hasan.

"Yes," tugon ni Cayetano.

Pero kinuwestiyon ni Hasan kung lehitimo ba ang mga pagpatay kung hindi naman dumadaan sa tamang proseso ng     
paghuhukom ang mga biktima.

Dagdag pa ni Hasan, hindi demokratiko ang paraan ng Pilipinas sa paglutas ng krimen.

"If I pull a gun on you here, right now, and you shoot me, it's your fault?" sabi ni Cayetano sa isang bahagi ng panayam.

Ang tingin ni Cayetano, maling impormasyon ang kumakalat sa international community. Galing umano ito sa mga may kinikilingan na human rights group at ilang may kaugnayan sa oposisyon.

"The perception that was thrown to the international community was led by certain human rights groups associated with our opposition and associated with some people in the Catholic Church. But they did not give the international community the correct facts," ani Cayetano sa panayam.

Mariin naman itong itinanggi naman ng Human Rights Watch, isa sa mga nagsagawa ng pag-aaral sa war on drugs ng Pilipinas.

Iginiit ng grupo na hindi sila kaalyado ng kahit anumang political party sa bansa.

Kahit sino pa raw ang nagtatanong, isa lang ang malinaw: may pattern na lumalabas sa mga pagpatay."

"And virtually all of these cases, these are individuals who have been simply shot as they were going about their business. But there's no judicial process, there's no arrest warrants or legal proceedings, there's no finding of guilty, there's no conviction," ani John Fisher, Geneva Director ng Human Rights Watch.

Dagdag pa ni Fisher, patunay ang pagkondena ng 39 bansa sa human rights record ng Pilipinas sa katatapos lang na Human Rights Council session sa Geneva, Switzerland na dismayado ang international community sa pagtugon ng bansa sa mga pagpatay.

Babala ni Fisher, maaaring magsagawa ng sariling pagsisiyasat ang Human Rights Council.

Maaari ring patalsikin ang Pilipinas sa konseho kapag nagpatuloy ang mga patayan at wala pa ring maayos na imbestigasyon.

"Its [Philippines'] membership is not a right. It's a privilege, it comes with obligations," ani Fisher.

Nitong Oktubre 5, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya kailanman ipinag-utos ang extrajudicial killings.

Sinegundahan ito ng Philippine National Police na nagsabing walang anumang extrajudicial killings sa bansa.

-- Ulat nina Mike Navallo at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.