Pagkamatay ni Kian, nakaapekto sa pagbaba ng 'ratings' ni Duterte: Panelo

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 10:54 PM | Updated as of Oct 09 2017 11:40 PM

Kontento pa rin ang 67% o halos pito sa bawat 10 Pilipino, sa pamamalakad ni Pangulong Rodrigo Duterte, batay sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa mula Setyembre 23-27.

Pero kung susuriin din ang bilang ng mga Pilipinong hindi na nasisiyahan sa pamamalakad ni Duterte, bumaba ang net satisfaction rating ng Pangulo sa +48, mas mababa ng 18 puntos sa +66 na markang kaniyang naitala nito lang Hunyo.

Pagdating sa net trust rating, nagtala si Duterte ng +60 sa pinakahuling survey, 15 puntos na mas mababa sa naitala noong Hunyo na +75.

Mataas pa rin naman ang rating na nakuha ng Pangulo, ayon kay Leo Laroza, SWS Director for Communications and Information Technology.

Pero aniya, ibang usapan na kung magpapatuloy pa ang pagbaba nito.

"The worry should come if this persists. If this continues on like this, then perhaps this is something that they should take notice of," ani Laroza.

Sumagot sa survey ang 1,500 respondents na edad 18 pataas. Nagmula rin ang respondents sa iba't ibang panig ng bansa.

Aminado si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na nakaapekto ang pagkamatay ng binatilyong si Kian Delos Santos, sa pagbaba ng marka ng Pangulo.

"I kind of expected that due to the incidents involving the minor, what's his name now? [Kian Delos Santos] Kian and to others. So there was really a reaction from certain sectors of the public," ani Panelo sa panayam sa programang "Early Edition" ng ANC.

Nilinaw ni Panelo na sa kabila ng mababang rating, hindi magpapatinag ang Pangulo at ipagpapatuloy ang kaniyang mga gawain. Hindi rin umano apektado ng ratings ang kontrobersiyal na giyera kontra droga ng pamahalaan.

"That was, I think, something na naka-break, naka-prick ng bubble niya, 'yong kaniyang 'Teflon', so talagang maapektuhan siya," ani Ramon Casiple, Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform. 

"Ang tawag diyan warning, kapag hindi siya mag-shape up, hindi niya harapin at ma-address 'yong mga factor na nakaapekto dito, baka sumunod na survey, dumausdos pa siya," dagdag ni Casiple. 

"These things usually happen, this is traditionally happening, after a year or a year and a half. And you know, the love is still there," ani Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Reaksiyon ng kaalyado, oposisyon

Kumpiyansa ang mga kaalyado ng Pangulo na makababawi pa siya sa mga susunod na survey.

Sinabi ni Philippine National Police Chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa na inirerespeto niya ang resulta ng survey.

"Basta walang motibo ang survey. They are highly respected survey firms naman. We respect the results," ani Dela Rosa.

Para kay Senador Tito Sotto, nasa Pangulo na raw kung magpapaapekto siya sa resulta ng survey.

Kung binabalewala umano ng Pangulo ang survey, itutuloy nito ang mga patakaran at plano. Kung mahalaga sa kaniya ang pananaw ng publiko, tutugunan umano nito ang sanhi ng pagbaba ng marka.

Pero para sa ilang miyembro ng oposisyon, dapat magsilbi itong "wake-up call" kay Duterte sa gitna ng kaliwa't kanang patayan sa ngalan ng kaniyang giyera kontra droga.

Ikinatuwa ni Senador Antonio Trillanes ang resulta ng survey.

Aniya, nagsisimula nang makita ng publiko ang tunay na kulay ng Pangulo.

Tinawag ni Trillanes sa kaniyang pahayag na sinungaling, bastos, tiwali, at walang kakayahang mamuno ang dating alkalde ng Davao City. 

Para naman kay Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin, sumasalamin ang resulta ng survey sa pananaw ng publiko na pawang mahihirap lamang ang pinapatay sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

"The drop in President Duterte's ratings reflect the unease and uncertainty that our people are having under his administration," ani Villarin.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hinintayin niya ang resulta ng mga susunod na survey bago husgahan ang Pangulo.

Samantala, sinabi ni Senador Francis Escudero na dapat ituring na "wake-up call" ng Pangulo ang mababang rating.

-- May ulat nina Christian Esguerra at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.