Nagbanta ng tigil-pasada ang ilang transport group sa susunod na Linggo bilang pagtutol sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan.
Pangungunahan ng mga Kilusang Mayo Uno (KMU), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at iba pang pangkat sa ilalim ng No to Jeepney Phaseout Coalition ang kilos-protestang isasagawa sa Oktubre 16 at 17.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, makikilahok umano sa protesta ang mga transport group mula Cagayan, Pampanga, Laguna, Camarines Norte at Mindanao.
Binatikos ni San Mateo ang panukala ng pamahalaan na jeepney phaseout sa Enero 2018 upang palitan ng mas modernong modelo ng pampublikong sasakyan.
Aniya, kung matutuloy ang phaseout, mapipilitan ang mga driver at operator na bumili ng jeepney unit na nagkakahalagang P1.6 milyon.
Nais ng mga lalahok sa protesta na sa halip na phaseout, i-rehabilitate o ipaayos na lamang ang mga lumang behikulo.
Nanawagan naman ang KMU sa publiko, kabilang ang mga maaapektuhang pasahero at estudyante, na makiisa sa protesta.
-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, pasada, trapiko, pasahero, protest, PUV, PUJ, jeepney, modernization program, transport, Kilusang Mayo Uno, Piston, transport protest