Exclusive: Magkarelasyong nagbubugaw ng mga bata sa mall, arestado

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 06:40 PM | Updated as of Oct 10 2017 12:11 AM

Nagsagawa ng surveillance sa isang mall ang Philippine National Police (PNP) Anti-Trafficking Division ng Women and Children Protection Center kasunod ng impormasyong may mga menor de edad na ibinubugaw sa isang mall sa Recto, Maynila.

Nanggaling ang impormasyon sa Destiny Rescue International, isang organisasyong nakabase sa Thailand at tumutulong sa mga biktima ng "trafficking in persons".

Ayon sa PNP-Anti Trafficking in Persons Division, nagpanggap na customer ang mga dayuhang katuwang nila sa pagsawata ng pambubugaw sa mga bata.

Nagkunwaring interesado ang mga banyaga sa mga menor de edad na ibinubugaw umano ng magka-live-in na sina Edna Babao at Clarence Aragona.

Kapag may 'booking' na sa mga menor de edad, mapa-babae o lalaki, saka dadalhin ang mga bata sa isang motel kung saan sila magtatagpo ng customer.

Nang matiyak na tuloy ang transaksiyon, magkatulong na ikinasa ng PNP at Destiny Rescue International ang operasyon para iligtas ang mga biktima.

Sa loob ng isang kuwarto sa isang motel sa Sta. Cruz, Maynila, nakahilera ang mga dalagita at binatilyong pagpipilian ng mga parokyano.

Lumutang ang target na bugaw na si Babao.

Matapos ibigay sa kaniya ang P8,000 na marked money, hinuli na si Babao, pati ang kaniyang live-in partner na si Aragona, at ang lookout na si Jeff Christian Gamba.

Nasagip sa operasyon ang walong dalagita at tatlong binatilyong ibinubugaw.

Ayon sa biktimang si alyas "Randy", si Babao o alyas "Shane" ang nag-recruit at nagdadala sa kanila sa mga customer.

Sa lobby ng motel, may karatula pang "No minors allowed" pero malinaw sa imbestigasyon at isinagawang operasyon ng PNP na may mga menor de edad na nakapag-check in sa motel.

Iniimbestigahan din ngayon ng PNP kung ano ang pananagutan ng motel o ng staff sa kaso dahil ayon sa impormasyong nakalap, hindi lang ito ang unang beses na nagdala ng mga bata sa motel ang mga suspek.

Sasampahan ang mga naarestong suspek ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking Act of 9208 at R.A. 7610 o Anti- Child Abuse Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.