ERC Chair at CEO, tuluyang sinibak dahil sa 'misconduct'

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 11:57 PM

Tuluyan nang sinibak ng Malacañang ang suspendidong chairman at chief executive officer ng Energy Regulatory Commission (ERC) na si Jose Vicente Salazar.

Bago pa man masuspende noong Mayo 2017, ilang beses pang humirit si Salazar ng pulong kay Pangulong Duterte.

Sa desisyon ng Malacañang, napatunayang guilty sa administratibong kasong "simple misconduct" si Salazar nang aprubahan niya ang extension ng kontrata ng pitong kooperatiba sa supplier ng kuryente kahit walang pagsang-ayon ng ibang commissioners.

Guilty rin daw si Salazar sa kasong "grave misconduct" sa pag-apruba ng proyekto na tinawag na maanomalya ng nagpakamatay na ERC Director na si Francisco "Jun" Villa, Jr.

Sinabi naman ng Malacañang na patunay ang pagsibak kay Salazar sa pangako ng Pangulo na lalansagin ang mga tiwali sa pamahalaan.

Tiniyak naman ng ERC na walang epekto sa kanilang trabaho ang pagtanggal kay Salazar.

"It will be business as usual for us, we still have an OIC naman. Walang magiging epekto ito pagdating sa kung ano ang dapat naming gawin para sa taumbayan," ani Atty. Rexie Baldo-Digal, tagapagsalita ng ERC.

Mensahe ng kapatid ni Jun na si Charie Villa, matatahimik na ang kapatid sa pagkakasibak kay Salazar.

Sinubukan ng ABS-CBN na kuhanan ng panig si Salazar pero hindi siya sumasagot sa text at tawag.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.