Drayber na nagpakilalang NPA, arestado dahil sa road rage

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 09:36 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Sugatan sa pamamaril ang isang nagwawalang tricycle driver na nakabangga ng tatlong sasakyan sa Poblacion, Puerto Princesa City Lunes ng umaga.

Sasampahan din ang tricycle driver na si Eugena Casabuena ng mga kasong reckless imprudence resulting to multiple damage to property at illegal possession of deadly weapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ilang beses nang nakabangga ng sasakyan si Casabuena pero hindi ito huminto.
 
Nagpakilala pa umano si Casabuena na miyembro siya ng New People's Army.

Isa sa mga nabangga ang sasakyan ng security officer ng provincial government na si Rey Bongas.

Dahil umano tila makikipag-away ang tricycle driver, nagpaputok ng baril si Bongas. 

Tinamaan ng bala si Casabuena sa hita. Nakumpiska din sa kanya ang isang ice pick. Napag-alaman din na student permit lang dala ni Casabuena noon.

Nagpasalamat naman ang pulisya sa ginawa ng security officer, dahil kung hindi umano nito pinigilan ang tricycle driver ay marami pa itong posibleng mapinsala.

"We commend him kasi kung hindi niya yun ginawa, marami 
pang pwedeng masagasan ang tricycle driver lalo pa at sa busy highway ito..." ani ni PSI Allen Palacio, Station Commander ng Mendoza Police. -- may ulat si Cherry Camacho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.